Ngayong Martes, Hulyo 30, 2024, ibinahagi ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa kanyang Facebook page ang mga detalye tungkol sa pamamahagi ng school supplies at uniforms sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Ayon kay Mayor Sotto, ang mga iskedyul ng pamamahagi ng school supplies ay iaanunsyo ng bawat paaralan. Sinabi rin niya na magpapatuloy na ang pagsusukat ng mga bata para sa kanilang school at PE uniforms, na pansamantalang itinigil dahil sa iba't ibang aktibidad tulad ng Brigada Eskwela, Learning Camp, at mga bagyong dumaan.
Ipinaliwanag ni Mayor Sotto, "Sinimulan natin ito nung simula ng Hulyo, pero mula sa feedback ng Deped SDO/schools, mas madali daw kung gagawin ito habang Regular Class Schedule para kumpleto ang mga bata pati na rin teacher."
Bukod sa school at PE uniforms, ipamamahagi rin ang mga school supplies tulad ng mga lapis, ballpen, notebook, writing pad, pencil case, at ruler. Kasama rin sa mga ipapamahagi ang mga bag at payong. Sa kauna-unahang pagkakataon, magbibigay din ang lungsod ng leather shoes at rubber shoes sa mga estudyante. Ayon kay Mayor Sotto, "Nakita ko na ang mga sample nito at natuwa ako sa quality."
Dagdag pa ni Mayor Sotto, magkakaiba ang mga nanalong suppliers kaya't hindi pare-pareho ang delivery schedules ng mga gamit.
Nabanggit din ni Mayor Sotto na may isa pang mahalagang anunsyo na kanyang ilalabas matapos ang Local School Board meeting na magaganap mula 10:00 AM hanggang 12:00 PM ngayong araw.
0 Comments
Post a Comment